Ikinuwento ng manunulat na si Beryl Markham sa kanyang libro na West with the Night kung papaanong ilang ulit niyang sinubukang paamuin ang kabayong si Camciscan. At kahit ano pa ang kanyang ginawa para mapaamo ito, isang beses lang siyang nagtagumpay.
Ilan naman sa atin ang nahihirapang paamuin ang ating dila? Ikinumpara ni Santiago ang dila sa bokado sa bibig ng kabayo (SANTIAGO 3:3-5). Binigyang diin din niya na, “Mula sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at pagsumpa. Mga kapatid, hindi dapat ganyan” (TAL.10).
Papaano nga ba tayo mananalo sa ating dila? Nagbigay si Pablo ng mga payo. Una ay dapat magsabi lamang ng katotohanan (EFESO 4:25) pero sa pagsasabi ng totoo ay dapat pa rin tayong maging maingat upang hindi tayo makasakit sa ating kapwa. Sinabi pa ni Pablo, “Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig” (TAL. 29). Pinapayuhan din niya tayong alisin “ang anumang samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin” (TAL.31). Madali ba itong gawin? Hindi ito madali kung gagawin natin ito sa sarili nating pagsisikap. Salamat na lamang dahil nariyan ang Banal na Espiritu upang tumulong sa atin.
Tulad ni Markham, dapat nating maunawaan na ang pagiging masigasig sa lahat ng pagkakataon ay kailangan para magawa ang anumang layunin gaya ng pagpapaamo sa ating dila.