Inamin ni C.S. Lewis sa kanyang librong Surprised by Joy na noong siya ay sumampalataya kay Cristo sa edad na tatlumpu’t tatlo, ginawa niya ang lahat ng paraan para makatakas o makaalis dito. Pero sa kabila ng karanasang ito, patuloy siyang binago ng Dios at naging matapang na tagapagtanggol ng tunay na pananampalataya. Ipinahayag ni Lewis ang katotohanan at ang pagmamahal ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga nobela at sanaysay na hanggang ngayon ay binabasa pa rin ng marami.
Ipinapakita ng kanyang naging buhay na hindi hadlang ang edad para magkaroon ng bangong pangarap o layunin sa buhay.
Habang nagpaplano tayo at sinisikap na abutin ang ating mga pangarap, pinadadalisay ng Dios ang ating puso at pinapalakas Niya tayo upang maialay natin sa Kanya ang anumang ating gagawin (KAWIKAAN 16:1-3). Mula sa karaniwang pangyayari hanggang sa mabibigat na pagsubok, hinihikayat tayong mamuhay para sa kaluwalhatian ng ating Manlilikha na siyang nagbibigay ng layunin sa ating buhay (TAL. 4). Anuman ang ating gagawin, iisipin o sasabihin, pagsumikapan nating mabigyan ng lugod ang Panginoon sa ating pamumuhay (TAL. 7).
Hindi kailanman mahahadlangan ng ating kahinaan ang magandang plano ng Dios sa ating buhay. Anuman ang ating gagawin ay maaari nating gawin kasama Siya, para sa Kanya at dahil lamang sa Kanya.