Sa pelikulang Paul, Apostle of Christ, makatotohanang naisalarawan ang pinagdaanang pag-uusig ng mga unang mananampalataya kay Cristo. Ipinakita dito ang naging paghihirap ng mga unang mananampalataya at kung gaano kapanganib ang pagsunod kay Jesus.
Ang makilalang tagasunod ni Cristo ay hindi biro. At maging sa panahon natin ngayon, marami pa ring lugar kung saan nakakaranas ng matinding pag-uusig ang mga mananampalataya. May ilan rin sa atin na inuusig sa pamamagitan ng pangungutya sa atin at hindi pagbibigay ng mataas na posisyon sa trabaho dahil sa ating pananampalataya.
Malinaw na may pagkakaiba ang pagsasakripisyo ng katayuan natin sa lipunan sa pagsasakripisyo ng ating buhay. Tunay na ang pansariling interes, kalagayang pinansyal, at pagtanggap ng iba ang nagiging pamantayan ng tao. Makikita natin ito sa ikinilos ng ilang mga unang mananampalataya. Ayon kay Juan, bagamat hindi naniwala kay Jesus ang karamihan sa mga Israelita (JUAN 12:37), “maraming pinuno ng mga Judio ang sumampalataya kay Jesus” (TAL. 42). Gayon pa man, “inilihim nila ang kanilang pananampalataya...Sapagkat mas ginusto pa nilang purihin sila ng tao kaysa ng Dios” (TAL. 42-34).
Ganito pa rin ang sitwasyon sa panahon ngayon. Dahil mas iniisip natin ang magiging tingin sa atin ng mga tao, napipilitan tayong ilihim ang ating pananampalataya. Pero kahit ano pa man ang maging kapalit, manindigan nawa tayo para sa Dios. Hangarin natin na ating malugod ang Panginoon sa halip na hangarin ang papuri mula sa tao.