Noong 1722, isang maliit na grupo ng mga mananampalatayang Moravian ang naninirahan sa lugar na ngayon ay tinatawag ng Czech Republic. Noong sila’y inuusig dahil sa kanilang pananam-palataya kay Cristo, nagsilbi nilang kanlungan ang lupain ng isang mabait na kondesang Aleman. Sa loob ng apat na taon, tatlong daang tao ang nanirahan doon. Subalit sa halip na isang maayos na komunidad ang mabuo roon, namayani ang hindi pagkakasundo dahil sa pagkakaiba ng kanilang mga pananaw. Pero dumating ang panahon na nagdesisyon sila na mas pagtuunan na lamang ang mga bagay na kanilang pinagkakasunduan. Dahil doon, nagkaroon na ng pagkakaisa sa lugar na iyon.
Hinikayat din naman ni Apostol Pablo ang mga taga-Efeso na mamuhay nang may pagkakaisa. Ang kasalanan ay laging magdudulot ng hindi pagkakasunduan sa anumang samahan. Subalit para sa mga nagtitiwala kay Cristo gaya ng mga taga-Efeso, dapat tayong mamuhay nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pagibig sa atin ni Cristo (EFESO 5:2).
Kailangang pagsikapan nating mapanatili ang pagkakaisa mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mapayapang pagsasamahan (4:3).
Ang pagkakaisang ito ay hindi lamang simpleng pagsasama-sama. Dapat tayong maging mahinahon, mapagpakumbaba, maunawain at mapagpaumanhin sa bawat isa bilang pagpapakita ng ating pag-ibig (4:2). Imposibleng mangyari ito sa tingin ng tao, pero magagawa natin ito hindi sa sarili nating kakayanan kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios na “kumikilos sa atin” (3:20).