Maganda, matalino at maraming talento si Ali. Pero nang makatapos siya ng high school, may nagtulak sa kanya na subukan ang bawal na gamot. Napansin ng mga magulang niya ang kanyang pagbabago at ipinasok siya sa isang rehabilitation facility. Pagkatapos siyang magamot, tinanong siya kung ano ang maiipayo niya sa kanyang mga kaibigan. Sinabi ni Ali na hindi sapat na tumanggi lamang sa bawal na gamot, dapat ay tumakbo palayo rito.
Nakakalungkot nga lamang dahil hindi tuluyang nakatakbo palayo si Ali sa bawal na gamot. Namatay siya sa edad na dalawampu’t-dalawa sa sobrang paggamit nito. Para naman maiwasang mangyari sa iba ang nangyari kay Ali, nanawagan ang kanyang mga magulang sa isang lokal na programa sa radyo. Hinikayat nila ang mga kabataan na umiwas sa sitwasyong magtutulak sa kanila sa paggamit ng bawal na gamot.
Hinikayat din ni Pablo si Timoteo at maging tayo na tumakbo palayo sa paggawa ng masama (2 TIMOTEO 2:22). Maging si Pedro ay nagbigay din ng babala, “Si Satanas ay umaalialigid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa. Patatagin ninyo ang inyong pananampalataya sa Dios at labanan ninyo si Satanas” (1 PEDRO 5:8-9).
Lahat tayo ay maaaring mahulog sa tukso. Ang pinakamabuting gawin ay lumayo sa mga sitwasyong maghaharap sa atin sa tukso. Mahirap man itong iwasan, maaari tayong makapaghanda sa pamamagitan ng pagpapatatag ng ating pananampalataya at pananalangin. Kapag mas matatag ang ating pananampalataya, malalaman natin kung kailan tayo dapat lumapit sa Dios upang humingi ng tulong laban sa tukso.