Kinikilala ang Lawrence of Arabia bilang isa sa pinakamagandang pelikula. Ipinasilip nito sa mga manonood ang magagandang disyerto sa bansang Arabya. Nagbigay din ito inspirasyon sa ibang gumagawa ng pelikula gaya ni Steven Spielberg. Sabi niya, “Naging inspirado ako nang una kong mapanood ang Lawrence. Nakaramdam ako ng panliliit, kahit hanggang sa ngayon. At iyon ang dahilan kung bakit napakaganda ng pelikulang ito.”
Nakakaramdam din ako ng panliliit kapag pinagmamasdan ko ang napakalawak na nilikha ng Dios-ang karagatan, o kaya naman ang langit sa gabi na punong-puno ng mga bituin. Kung ang sandaigdigan ay kamangha-mangha, ano pa kaya ang Manlilikha na lumalang nito sa pamamagitan lamang ng salita!
Ang kadakilaan ng Dios at ang nararamdaman nating panliliit ay inihayag ni David. Sinabi niya, “Ano ba ang tao upang Inyong alalahanin? Sino nga ba siya upang Inyong kalingain?” (SALMO 8:4). Tiniyak naman ni Jesus na mahalaga tayo nang sabihin Niya na, “Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon ng pagkain sa bodega, ngunit pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba't mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon? (MATEO 6:26).
Kahit na nakakaramdam ako ng panliliit o iniisip kong wala akong halaga pero sa paningin ng Dios, ako ay mahalaga. Isang patunay kung gaano ako kahalaga sa Dios ang pagaalay ni Jesus ng Kanyang buhay para maging maayos ang relasyon ko sa Dios.