Sa tuwing naglalakad si Emma pauwi pagkatapos niyang dalawin ang kamag-anak na may matagal ng sakit, madalas napupukaw ang atensyon niya ng isang puno na may mga bulaklak na kulay rosas at puti. Ang magagandang mga bulaklak ay nagbibigay sa kanya ng saya at pag-asa. Nang minsang mapadaan siyang muli roon, naalala niya ang mga talata sa Biblia na nagsasabing si Jesus ang Puno ng Ubas at ang Kanyang mga tagasunod ang mga sanga (JUAN 15:1-8).
Sa pagtawag ni Jesus ng Kanyang sarili na Puno ng Ubas, tinutukoy Niya rito ang isang pamilyar na bagay para sa mga Israelita noong Lumang Tipan. Inihahalintulad sila noon sa puno ng ubas (SALMO 80:8-9; HOSEA 10:1). Sa pagkakataong iyon, muling ginamit ni Jesus ang simbolismong iyon at Kanyang sinabi na Siya ang Puno ng Ubas at ang Kanyang mga tagasunod ang mga sanga. At habang nananatili silang nakakabit sa Kanya, patuloy silang mamumunga dahil makatatanggap sila ng sustansya at kalakasan mula sa Kanya (JUAN 15:5).
Habang tinutulungan ni Emma ang kanyang kamag-anak, makakatulong para sa kanya na alalahaning nariyan si Jesus bilang Puno ng Ubas na magbibigay sa kanya ng lakas. Kailangan lang niyang manatili kay Jesus.
Kapag ating iniisip na mayroon tayong malapit na relasyon sa Dios tulad ng puno at mga sanga, lumalakas at tumatatag ang ating pananampalataya.