Sikat sa larangan ng musika si Antonio Stradivari (1644- 1737). Hinahangaan ang kanyang mga biyolin, cello at viola dahil sa kalidad ng pagkakagawa at tunog ng mga ito. Sa katunayan, isang biyolin niya ang pinangalanang Messiah-Salabue Stradivarius. Pagkatapos gamitin ng biyolinistang si Joseph Joachim (1831- 1907) ang Stradivarius, sinabi niya na hindi mawala sa isip niya ang kakaiba at kahanga-hangang tunog nito.
Sa kabila ng katanyagan ng pangalan at tunog ng Stradivarius, hindi pa rin ito maihahalintulad sa kadakilaan ng pinagmumulan ng lahat ng bagay sa daigdig. Simula kay Moses hanggang kay Jesus, ipinakilala ng Dios ang Kanyang sarili sa pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Alang-alang sa atin, nais ng Dios na kilalanin, pahalagahan at ipagdiwang sa pamamagitan ng magandang awitin ang Kanyang karunungan at ang gawa ng Kanyang mga kamay (EXODUS 6:1; 15:1-2).
Ngunit simula pa lamang iyon ng pagpapakita ng Dios ng Kanyang kapangyarihan at lakas bilang tugon sa pagdaing ng mga tao. Dumating ang panahon na inialay ni Jesus ang Kanyang buhay upang sa pamamagitan Niya’y magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. May makagagawa kaya ng musikang papantay sa papuring nararapat sa pangalan ng Panginoong Jesus na dumanas ng labis na paghihirap dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin?