Natuwa ako nang malaman kong nabigyan ako ng pagkakataong mag-aral sa Germany. Nakaramdam naman ako ng pagkabahala dahil hindi pa ako marunong magsalita ng kanilang wika. Kaya ang mga sumunod na araw ay inilaan ko sa mahabang oras sa pag-aaral nito.
Noong nasa Germany na ako, nahirapan nga ako sa aming klase. Pero nagbigay ng lakas ng loob sa akin ang sinabi ng aking guro na ang pag-aaral daw ng isang wika ay tulad ng paglalakad paakyat sa buhanginan. Kahit na parang hindi ka umuusad, kailangan lang na magpatuloy lang at makakarating din sa pupuntahan.
Minsan, inihahalintulad ko ang kaisipang iyon sa pagtatag ng aking pananampalataya kay Jesus. Sinabi ni Apostol Pablo, “Natutunan ko na ang lahat ng ito, kaya maging anuman ang kalagayan ko...kontento pa rin ako.” Hindi ito naging madali para kay Pablo, marami rin siyang pinagdaanan para ito’y matutunan. At ito ang kanyang sikreto: “Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin” (FILIPOS 4:12-13).
Marami tayong pagsubok na daranasin. Pero kung magtitiwala tayo kay Jesus na napagtagumpayan na ang sanlibutan (JUAN 16:33), malalaman natin na hindi lamang tapat ang Dios kundi higit na mahalaga ang mapalapit tayo sa Kanya. Siya ang nagbibigay sa atin kapayapaan at ng kakayahan para patuloy na magtiwala sa Kanya. Pinalalakas Niya rin ang ating loob para ating makaya ang mga pagsubok sa buhay na ating haharapin.