Nang mamatay sa isang aksidente si Paul na tagapanguna sa aming gawain sa simbahan, labis kaming nalungkot. Hindi na bago sa pamilya ni Paul ang makaranas ng sakit at kalungkutan. Ilang ulit silang namatayan ng anak dahil laging nakukunan ang kanyang asawang si DuRhonda. At sinundan pa nga nito ng pagkawala ni Paul. Naging napakalaking dagok para sa mga nagmamahal sa pamilyang ito ang mga trahedyang nangyari sa kanila.
Hindi na rin iba kay David ang makaranas ng mga pagsubok sa kanyang pamilya. Sa Salmo 3, ipinahayag niya ang labis na pangamba dahil sa pagrerebelde ng kanyang anak na si Absalom. Pero sa halip na lumaban, mas pinili ni David na iwan ang kanyang kaharian at trono (2 SAMUEL 15:13-23). At kahit sinasabi ng marami na pinabayaan siya ng Dios, alam ni David na ang Panginoon ang kanyang kalasag kaya patuloy siyang humingi ng tulong sa Dios (3:2-4).
Ganoon din ang ginawa ni DuRhonda. Habang ginanap ang paggunita sa pagkamatay ng kanyang asawa, nagawa pa niyang maghandog ng awit sa Panginoon na nagpapahayag ng matibay niyang pananampalataya sa kabila ng kanyang pagdadalamhati.
Sa tuwing dumaranas din tayo ng iba’t ibang pagsubok tulad ng pagkakaroon ng malubhang sakit, problemang pinansiyal o pagkamatay ng isang mahal sa buhay, nawa’y manatili rin tayong matatag at sabihin sa Dios na, “Kayo ang aking kalasag. Pinalalakas N'yo ako at pinagtatagumpay” (TAL.3).