Isang kumpanya ang nagbigay sa akin ng opurtunidad na makapagtrabaho kahit wala pa akong masyadong alam. Mas pinahahalagahan daw ng kumpanyang iyon ang karakter ng mga aplikante kaysa sa kahusayan o karanasan nito sa trabaho. Ipinapalagay nila na madali namang maituro sa mga bagong empleyado ang mga teknikal na aspeto ng trabaho basta sila ang uri ng taong hinahanap nila.
Maging si Noe ay wala ring kakayahan sa paggawa ng arko. Hindi naman siya karpintero o tagagawa ng bangka. Isa siyang magsasaka. Subalit nang dumating ang panahon na ninais ng Dios na parusahan ang mga tao dahil sa kanilang kasamaan, pinili Niya ang makadios na si Noe (GENESIS 6:9). Binigyang halaga ng Dios ang puso ni Noe na bukas na matuto at hindi nagpapadaig sa kasamaan kundi ginagawa kung ano ang tama.
Kapag dumating ang mga pagkakataon na mapaglingkuran ang Dios, maaaring maisip natin na hindi tayo nararapat sa gawaing iyon. Salamat na lamang at hindi binibigyang pansin ng Dios ang ating kakayanan, bagkus ay mas pinahahalagahan Niya ang ating karakter, ang pagmamahal natin sa Kanya at ang pagnanais nating pagtiwalaan Siya.
Sa pamamagitan ng paghubog sa atin ng Banal na Espiritu, patuloy tayong gagamitin ng Dios sa maliit man o malaking paraan upang matupad ang Kanyang kalooban dito sa mundo.