Noong ang aming asong si Rupert ay tuta pa lamang, takot siyang pumunta sa parke. Nang minsang dinala ko siya roon, pinakawalan ko siya para mas malaya siyang makapaglibot pero dali-dali lamang itong tumakbo pabalik sa aming bahay. Doon niya kasi nararamdaman na ligtas siya.
Ipinaalala naman sa akin ng pangyayaring iyon ang isang lalaki na nakasabay ko sa eroplano. Nagpakalasing ang lalaking iyon sa buong biyahe. Nakalulungkot pagmasdan kung paanong ang lalaking iyon ay naghanap ng kapayapaan at kalayaan sa pag-inom ng alak.
Sinimulan naman ni Jesus ang Kanyang misyon sa pagsasabing, “Dumating na ang takdang panahon! Malapit na ang paghahari ng Dios. Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Magandang Balita!” (MARCOS 1:15). Ang ibig sabihin ng magsisi ay magbago ng isipan. At ang kaharian naman ng Dios ay tumutukoy sa paghahari ng mapag-mahal na Dios sa ating mga buhay. Sa halip na tumakbo tayo papunta sa gawaing magdadala sa atin sa higit na kapahamakan, sinasabi ni Jesus na ang Dios ang hayaan nating manguna sa ating buhay. Siya ang gagabay sa atin patungo sa bagong buhay at tunay na kalayaan.
Sa ngayon, masaya nang naglalaro si Rupert sa parke. Nawa ang lalaki na nakasabay ko sa eroplano ay matagpuan rin ang tunay na kagalakan at kalayaan, at iwan ang maling konsepto niya tungkol sa kapayapaan.