Nagbibigay ng inspirasyon sa akin ang kanta ni Tim McGraw na Live Like You Were Dying. Ikinuwento niya sa kanta kung ano ang ginawa ng isang lalaki matapos makatanggap ng masamang balita tungkol sa kanyang kalusugan. Mas naging mapagmahal at mapagpatawad ang lalaki ayon sa kanta. Iminungkahi rin sa awit na kailangang mamuhay tayo na para bang malapit na ang katapusan ng ating buhay.
Ipinapaalala ng kanta na limitado lamang ang ating oras. Kaya naman, hindi natin dapat ipinagpapaliban ang mga bagay na maaari nating gawin ngayon dahil baka maubusan na tayo ng panahon. Ganito rin ang dapat nating isipin bilang mga sumasampalataya kay Jesus. Dapat lagi tayong maging handa sa Kanyang pagbabalik hindi gaya ng mga mangmang na dalaga na naabutang hindi handa nang bumalik na ang ikakasal na lalaki (MATEO 25:6-10).
Masasabing hindi kumpleto ang awit ni McGraw dahil tayong mga nagmamahal kay Jesus ay hindi mauubusan ng bukas. Sinabi ni Jesus, “Ako ang bumubuhay sa mga namatay, at Ako rin ang nagbibigay ng buhay. Ang sumasampalataya sa Akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay. Ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa Akin ay hindi mamamatay kailanman” (JUAN 11:25-26). Tunay na ang buhay natin sa Kanya ay hindi matatapos.
Kaya naman, huwag kang mamuhay na para bang malapit ka nang mamatay. Sa halip, mamuhay ka na para bang malapit na ang muling pagbabalik ni Jesus, dahil totoong babalik Siya!