Habang ako ay nasa isang retreat center sa Lancashire, North West England, namangha ako sa magandang tanawin kung saan kulay berde ang mga burol at may mga tupa na nasa loob ng isang bakod. Nang sinabi ko sa isang babaeng nagtatrabaho roon kung gaano kaganda ang paligid, sinabi niya ang ganito, “Alam mo, kahit matagal na kami dito, hindi namin napapansin ang ganda ng paligid, dahil para sa amin, ito ay isa lamang lugar ng aming trabaho.”
Madali nating balewalain ang mga bagay na nasa harapan lamang natin at bahagi na ng ating araw-araw na buhay. Maaari rin nating makaligtaan ang magandang pagkilos ng Dios sa ating buhay. Bilang mga sumasampalataya kay Cristo, maaari naman nating hilingin na buksan ng Espiritu ng Dios ang ating mga mata upang maunawaan ang Kanyang pagkilos gaya ng isinulat ni Pablo sa mga taga-Efeso. Hinangad ni Pablo na bigyan sila ng “karunungan at pang-unawa mula sa Banal na Espiritu, para lalo [nila] pa Siyang makilala” (EFESO 1:17).
Nanalangin din siya na maliwanagan ang kanilang puso para maunawaan ang pag-asa at napaksaganang pagpapala na ipinangako sa kanila at ang napakadakilang kapangyarihan ng Dios (TAL. 18-19).
Ang Espiritu ni Cristo ang siyang gigising sa atin upang maunawaan kung paano Siya kumikilos sa ating buhay. Dahil kay Cristo, ang isang ordinaryong lugar ng trabaho ay maaaring maging espesyal na lugar na nagpapakita ng Kanyang kaluwalhatian.