Ngayong matutupad na ni Dave ang kanyang pangarap na magsimula nang magmisyon, saka naman siya nagkaroon ng mga pagdududa. Sinabi niya sa kanyang kaibigan, “Hindi ako karapat-dapat para dito. Hindi nila kilala ang totoong ako.”
Gaya ni Dave, marami ring naging pagdududa si Moises sa kanyang sarili. Bagamat kilala siya bilang isang mahusay na pinuno, nakakalimutan natin ang pagtira niya noon sa disyerto ng apatnapung taon para takasan ang pagpatay niya sa isang Egipcio. Nakakalimutan din natin ang pagiging magagalitin niya at ang palaging pagtanggi sa ipinapagawa sa kanya ng Dios.
Kapag may iniuutos naman ang Dios kay Moises (EXODUS 3:1-10), iniisip agad niya na hindi niya ito kaya. Minsan nga ay naitanong pa niya kung sino siya para maging karapatdapat na gawin ang utos ng Dios (TAL. 11). Pero sinabi ng Dios kay Moises na, “Ako’y si Ako Nga” (TAL.14). Sa pamamagitan nito’y ipinahayag ng Dios kay Moises na Siya ang walanghanggang Dios at lagi Niya itong sasamahan.
Mainam din naman na alam natin ang mga kahinaan natin pero kapag ginagamit natin itong dahilan para hindi gawin ang ipinapagawa ng Dios, iniinsulto natin Siya. Para bang sinasabi natin na hindi tayo kayang tulungan ng Dios sa ating dapat gawin. Sa halip na tingnan natin ang ating sarili, ituon natin ang ating paningin sa walang hanggang Dios. Siya ang Dios na nagsabi, Ako’y si Ako Nga.