Nang magpakasal sina Kerry at Paul, pareho silang hindi marunong magluto. Isang gabi, sinubukan ni Kerry na magluto ng spaghetti. Naparami ang naluto niya kaya umabot pa ito hanggang sa kanilang hapunan kinabukasan. Nang sumunod na araw, si Paul naman ang sumubok magluto ng spaghetti at dinamihan niya pa ito para umabot hanggang sa katapusan ng linggong iyon. Noong kakain na sila, inamin ni Kerry na sawang-sawa na siya sa spaghetti.
Tulad nina Paul at Kerry, maaari din tayong magsawa sa anumang pagkain na paulit-ulit nating kinakain. Gaano pa kaya ang pagkasawa ng mga Israelita sa iisang uri ng pagkain na kinain nila sa loob ng apatnapung taon? Iniipon nila tuwing umaga ang pagkaing iyon na mula sa Dios na tinatawag na ‘manna’ at wala dapat matira maliban na lang kung kinabukasan ay Araw ng Pamamahinga (EXODUS 16:23-26). Iba-iba man ang pagkakaluto nila sa manna (TAL. 23), nawawalan sila ng gana at mas gusto pa rin nila ang mga masasarap na kinakain nila noon sa Egipto (TAL 3; BILANG 11:1-9). Kahit inalipin at pinahirapan sila sa bansang iyon, masama ang loob nila dahil sa pagkakaalis nila roon.
Minsan, maaaring sumama rin ang loob natin at hindi na tayo masaya kapag hindi na tulad ng dati ang buhay natin at paulit-ulit lang ang nangyayari. Pero mababasa natin sa Exodus 16 na naging tapat ang Dios sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Israelita na nagbunga ng kanilang pagtitiwala at pagdepende sa Kanya sa bawat araw.
Ipinangako ng Dios na ibibigay Niya ang lahat ng ating pangangailangan. Tinutugon Niya ang mga ninanais natin at pinagkakalooban tayo ng mabubuting bagay (SALMO 107:9).