Noong unang pinasok kami ng paniki sa aming bahay, tinaboy namin ito. Pero dahil may nakapasok na namang paniki sa pangalawang pagkakataon, nagbasa-basa ako tungkol sa mga ito. Natuklasan ko na kahit pala sa pinakamaliit na butas ay maaari silang lumusot at makapasok. Simula noon, palagi na akong nagmamasid at nag-iikot sa aming bahay upang tapalan kahit ang mga maliliit na butas.
Sa Aklat ng Awit ng mga Awit, may binanggit na isa ring uri ng hayop si Solomon na maaaring magdulot ng pinsala. Ito ay ang mga asong gubat na puwedeng makapanira sa ubasan kung makapasok ang mga ito roon (2:15). Sumisimbolo ang mga ito sa mga bagay na maaaring maging banta sa isang maayos na relasyon. Ang paniki at asong-gubat ay kumakatawan sa mga kasalanang ating nagagawa na maaaring makasira sa relasyon natin sa Dios at sa ibang tao. Hindi ko naman nais saktan ang damdamin ng mga mahilig sa paniki o sa asong-gubat. Nais ko lang ipakita na tulad ng pagtataboy natin sa mga paniki sa ating bahay at sa paghuli sa mga asonggubat sa ating ubasan, kailangan din nating lumayo sa mga kasalanan (EFESO 5:3).
Sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Dios, tutulungan tayo ng Banal na Espiritu upang makapamuhay nang ayon sa Kanyang patnubay at hindi ayon sa ating makasalanang pagkatao (ROMA 8:4). Ang Banal na Espiritu ang tutulong sa atin para hindi tayo mahulog sa kasalanan.
Purihin ang ating Dios! Tayong mga nagtitiwala kay Cristo ay mga taong inilipat na Niya sa liwanag at makakapamuhay nang kalugod-lugod sa Dios (EFESO 5:8-10).