Ang pating na si Mary Lee na nasa east coast ng America ay may sukat na labing-anim na talampakan at may bigat na 3,500 pounds. Noong 2012, kinabitan si Mary Lee ng transmitter sa may palikpik. Sa pamamagitan nito, naobserbahan ng mga mananaliksik at mga surfer ang kanyang paglangoy. Patuloy nilang nasubaybayan si Mary Lee sa loob ng limang taon gaano man kalayo ang nararating nito. Hanggang sa isang araw, bigla na lamang nawala ang koneksyon nito sa kanila. Marahil ay nawalan na ng karga ang baterya ng transmitter na inilagay sa kanya.
Kahit na napakalawak na ng kaalaman ng tao sa larangan ng teknolohiya ay hindi nito napanatili ang koneksyon kay Mary Lee. Naputol ang pagsubaybay nila sa pating ngunit ang pagsubaybay sa atin ng Dios ay hindi kailanman mawawala o mapu-putol. Mababasa natin sa Aklat ng Salmo ang panalangin ni David, “Paano ba ako makakaiwas sa Inyong Espiritu? Saan ba ako makakapunta na wala kayo? Kung pupunta ako sa langit, nandoon Kayo; kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, nandoon din Kayo (139:7-8). Sinabi niya rin na, “Ang pagkakakilala N’yo sa akin ay tunay na kahanga-hanga; hindi ko kayang unawain” (TAL. 6).
Pinili tayong kilalanin at subaybayan ng Dios dahil mahal Niya tayo. Sa labis Niyang pagmamalasakit sa atin, hindi Niya lamang tayo sinusubaybayan kundi binabago Niya rin tayo.
Lumapit sa atin ang Dios sa pamamagitan ng buhay ni Jesus na namatay at muling nabuhay. Ginawa Niya ito upang makilala at mahalin natin Siya nang walang hanggan. Ang pag-ibig sa atin ng Dios ay walang hanggan.