Bilang isang baguhang manunulat, madalas na nagdududa ako sa aking kakayanan kapag dumadalo ako ng mga workshop tungkol sa pagsusulat. Hindi ako tulad ng mga nakakasama ko roon na mga mahuhusay nang manunulat na dumaan na sa matitinding pagsasanay at marami nang naging karanasan. Ang tanging mayroon ako ay ang natutunan kong istilo ng pagsusulat mula sa isang bersyon ng Biblia, ang King James Version. Iyon ang itinuturing kong sandata na nagbigay sa akin ng kagalakan at nawa’y sa iba rin.
Mababasa naman natin sa 1 Samuel 17 ang kuwento ni David noong isa pa lang siyang pastol. Nang kakalabanin niya ang higanteng si Goliat, ipinasuot sa kanya ni Haring Saul ang kanyang mga kasuotang pandigma (TAL. 38-39). Hinubad agad ito ni David hindi dahil nagduda siya sa kanyang kakayanan. Hindi lang siya sanay na makipaglaban na suot ang mga iyon (TAL. 39). Napagtanto ni David na ang kasuotang pandigma na nakatulong sa isang tao ay maaaring maging hadlang naman sa pagtatagumpay para sa iba.
Kaya naman, ginamit niya kung ano ang alam niyang makakatulong sa kanya, ang kanyang tirador at mga bato (TAL. 34-35). Ito ang ginamit ng Dios upang tulungan si David laban kay Goliat at magtagumpay para sa Israel.
May mga panahon ba na pinagdududahan mo ang iyong kakayanan? Naiisip mo rin ba na iba sana ang sitwasyon kung mapapasaiyo kung ano ang mayroon ang iba? Nawa’y isipin natin na sapat ang mga karanasan at talento na ipinagkaloob ng Dios sa bawat isa sa atin. Magtiwala tayo sa sandatang ipinagkaloob Niya sa atin.