Hindi dumalo si Brian sa kasal ng kanyang kapatid kung saan siya dapat ay abay. Hindi ikinatuwa ng kapamilya ni Brian ang kanyang ginawa lalo na ng kapatid niyang si Jasmine. Si Jasmine ang nagbasa ng Biblia doon sa kasal. Napakaganda ng pagkakabasa niya ng 1 Corinto 13 na tungkol sa pag-ibig. Ngunit pagkatapos ng kasal, tumanggi si Jasmine nang utusan siya ng kanyang ama na maghatid ng regalo kay Brian para sa kaarawan nito.

Sa pangyayaring iyon, nalaman niya na mas mahirap na ipamuhay ang salita ng Dios kaysa sa basahin ito. Gayon pa man, bago matapos ang gabing iyon, natutunan ni Jasmine na hindi sapat na basahin lamang ang mga talata sa Biblia tungkol sa pag-ibig kung hindi naman ito isasapamuhay.

Naranasan n’yo na bang magbasa ng Biblia at nahirapan kayong gawin ang sinasabi nito? Hindi kayo nag-iisa. Tunay ngang mas madaling basahin at pakinggan ang Salita ng Dios kaysa ang isapamuhay ito. Maging hamon nawa sa atin ang sinabi ni Santiago, “Huwag lang kayong maging tagapakinig ng salita ng Dios kundi sundin n'yo ang sinasabi nito. Dahil kung hindi, dinadaya n'yo lang ang sarili ninyo” (SANTIAGO 1:22).

Sinabi pa niya na ang hindi pagsunod sa salita ng Dios ay tulad ng isang taong tumitingin sa salamin, na pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at agad kinakalimutan ang ayos niya. Hinihikayat tayo ni Santiago na hindi sapat na basahin o pakinggan lamang ang Salita ng Dios. Dapat natin itong saliksikin at tuparin (TAL. 25). Tulad ni Jasmine, nawa’y hangarin natin na isapamuhay ang Salita ng Dios. Ito ang nararapat nating gawin.