Isang manlalaro ng cricket mula sa South Africa ang nandaya sa isang laro noong 2016. “Madidismaya talaga ako kapag may isa sa atin ang nandaya tulad niya.” Iyan ang sinabi ng isa ring manlalaro ng cricket sa kanyang mga kasama sa koponan. Pero pagkalipas ng dalawang taon, ang mismong manlalaro na nagsabi nito ay nandaya rin sa isang laro. Masasabing naging ipokrito o mapagkunwari siya.
Mababasa naman natin sa Genesis 38 ang kuwento ng pagiging ipokrito ni Juda na muntikan nang humantong sa pagpapatay sa manugang niyang si Tamar. Ang una at ang ang ikalawang asawa ni Tamar ay mga anak ni Juda. Nang mamatay ang mga ito matapos mapangasawa si Tamar, hindi tinupad ni Juda ang tungkuling pangalagaan si Tamar (TAL. 8-11). Makalipas ang ilang taon, nagkunwari si Tamar na isa siyang babaeng bayaran at naglagay ng talukbong sa ulo. Hindi nakilala ni Juda si Tamar at sinipingan niya ito (TAL. 15-16). Nang mabalitaan ni Juda na nagdadalang-tao si Tamar, sinabi niya, “Dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at sunugin” (TAL. 24) Ngunit pinatunayan ni Tamar na si Juda ang ama ng kanyang pinagbubuntis (TAL. 25).
Makikita rito ang pagiging mapagkunwari ni Juda. Gayon pa man, hindi niya ito itinanggi. Tinanggap niya ang responsibilidad na alagaan si Tamar at sinabing walang kasalanan si Tamar kundi siya ang nagkasala (TAL. 26).
Ipinapakita ng Dios ang Kanyang pagmamahal kahit sa kuwentong ito ng pagkukunwari. Ang mga anak ni Tamar ang naging ninuno ni Jesus (TAL. 29-30, MATEO 1:2-3). Ipinapaalala sa atin ng Genesis 38 ang pag-ibig, kagandahang-loob at kahabagan sa atin ng Panginoon sa kabila ng ating mapagkunwaring puso.