Noong nagdiwang ang aking biyenang lalake ng kanyang ika-pitumpu’t walong kaarawan, may nagtanong sa kanya ng ganito, “Ano ang pinakamahalagang natutunan mo sa iyong buhay?” Sagot niya, “Huwag kang bibitaw.”
Maaaring napakasimple lang ng sagot niya para sa atin pero malaki ang naitulong nito para sa aking biyenan. Ang mga katagang iyan ang nagbigay pag-asa sa kanya sa halos walong dekada. Nagawa niyang hindi bumitaw sa kabila ng mga naranasan niyang problema dahil nakasalalay ang kanyang pag-asa sa pagkilos ng Panginoong Jesus sa kanyang buhay.
Ang hindi pagbitaw o pagtitiis sa kabila ng mga pagsubok ay magagawa lamang natin sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Dios. Dapat tayong magtiwala sa pangako ng Dios na kasama natin Siya at panghawakan ang katotohanang Siya ang makakapagbigay sa atin ng lakas para matupad ang layunin Niya sa buhay natin. Iyan ang mensahe ng Dios sa mga Israelita ayon sa aklat ni Isaias, “Huwag kang mangamba dahil Ako ang Dios mo. Palalakasin kita at tutulungan. Iingatan kita sa pamamagitan ng Aking kapangyarihan na siya ring makakapaglitas sa iyo” (41:10).
Ano ang dapat nating gawin upang huwag bumitaw? Ayon kay Isaias, ang dapat na maging pundasyon ng ating pag-asa ay ang pagkilala sa Dios. Nawawala ang ating takot kapag alam natin na mabuti ang Dios. Magtiwala tayo sa Kanyang pangako na tutulungan Niya tayo at ipagkakaloob ang ating mga pangangailangan sa bawat araw.