Isang Sabado ng hapon, kasama ko ang aking pamangkin at ang kanyang apat na taong gulang na anak na si Kailyn. Naglaro kami ng bubbles, nagkulay sa coloring book at kumain ng sandwiches. Ang saya namin noon. Nang maghihiwalay na kami at nakasakay na sila sa kanilang kotse, pahabol na sinabi sa akin ni Kailyn, “Tita Anne, huwag n’yo po akong kakalimutan ha.” Sinagot ko naman siya, “Hinding-hindi kita kakalimutan. Pangako, magkikita tayo ulit.”

Sa Gawa 1, mababasa naman natin na nasaksihan ng mga alagad ni Jesus ang pag-akyat Niya sa langit. Habang pumapaitaas Siya, agad Siyang nawala sa kanilang paningin (TAL. 9). Naisip kaya nila noon na makakalimutan sila ni Jesus? Ipinangako naman sa kanila ni Jesus bago Siya umalis na isusugo Niya ang Banal na Espiritu upang manahan sa kanila at bigyan sila ng lakas sa pagharap sa mga darating na pag-uusig (TAL. 8).

Ipinangako rin ni Jesus sa mga alagad na ipaghahanda Niya sila ng lugar at isasama Niya sila roon kung nasaan Siya (JUAN 14:3). Pero sa kabila ng mga ito, naisip marahil ng mga alagad kung gaano kaya katagal silang maghihintay. Maaaring gusto rin nilang sabihin, “Huwag N’yo po kaming kalimutan, Panginoong Jesus.”

Para sa ating mga nagtitiwala kay Jesus, nananahan ang Dios sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Pero maaaring napapaisip pa rin tayo kung kailan Siya babalik at babaguhin ang lahat. Hindi tayo dapat malungkot dahil talagang babalik Siya at hindi Niya tayo kailanman kakalimutan. Dahil dito, patuloy nating palakasin at pasiglahin ang bawat isa (1 TESALONICA 5: 10-11).