Sa aklat na Love Letters from God ni Glenys Nellist, hinihikayat niya ang mga bata na makipag-usap sa Panginoon sa mas personal na paraan. Ang mga pambatang librong ito ay may mensahe mula sa Dios na mayroong espasyo para sa pangalan ng bata na maaaring isulat sa pahina ng bawat kuwento mula sa Biblia. Sa pamamagitan nito ay ipinaaalam sa mga bata na nais ng Panginoon na magkaroon sila ng relasyon sa Kanya at kinakausap Niya ang mga ito sa pamamagitan ng mga kuwento sa Biblia.
Nang bumili ako ng librong ito para sa aking pamangkin, isinulat ko ang kanyang pangalan sa bawat simula ng pahina ng libro. Nang makita niya ito, nasabi niya, “Mahal din ako ng Dios!” Isang kagalakan para sa atin na malaman ang lubos na pagmamahal sa atin ng Manlilikha.
Nang kausapin ng Dios ang mga Israelita sa pamamagitan ni Propeta Isaias, pinatingin Niya sila sa langit at tiniyak na ang Dios ang may likha sa mga bituin (ISAIAS 40:26). Inilabas Niya isa-isa ang mga bituin habang tinatawag ang kanilang pangalan at wala ni isang nawala sa mga ito. Ito ay nagpapaalala sa atin na kagaya ng mga bituin, kilala tayong lahat ng Dios, minamahal Niya tayo at may layunin Siya sa bawat isa sa atin.
Habang inaalala natin ang pag-ibig na ipinakita ng Dios at ang Kanyang mga pangako na mababasa sa Biblia, isipin natin na para din sa atin mismo ang mga ito. Pagtiwalaan natin ang pagmamahal ng Panginoon tulad ng isang bata at maaari din nating sabihin na “Mahal din ako ng Dios.”