Makikita ang isang estatwa ng asong si Hachiko sa labas ng Shibuya Train station sa Japan. Kinilala ang asong ito dahil sa pagiging tapat sa kanyang amo. Matapat na sinasamahan ni Hachiko ang amo nito sa pagsakay sa tren tuwing umaga at sinusundo rin niya tuwing hapon.
Isang araw, hindi nakabalik sa istasyon ng tren ang amo niya dahil pumanaw siya habang nasa trabaho. Pero sa loob ng mahigit siyam na taon hanggang sa mamatay, patuloy na pumupunta sa istasyon ng tren si Hachiko tuwing hapon kahit pa hindi maganda ang panahon. Umaasa at naghintay pa rin ito sa pagbabalik ng kanyang amo.
Tulad ni Hachiko, naging tapat din ang mga taga-Tesalonica. Pinuri ni Pablo ang kanilang mabubuting gawa na bunga ng kanilang pananampalataya, ang kanilang pagsisikap na bunga ng kanilang pag-ibig at ang kanilang katatagan na bunga ng matibay na pag-asa sa pagbabalik ni Jesus (1 TESALONICA 1: 3). Sa kabila ng mga oposisyon, tinalikuran nila ang dati nilang buhay at naglingkod sa Kanya habang nananabik sa Kanyang pagbabalik (TAL. 9-10).
Ang pag-asa sa pangako ng Panginoon at ang Kanyang pag-ibig ang nagsilbing inspirasyon ng mga taga-Tesalonica upang magpatuloy sa pananampalataya sa kabila ng mga paghihirap na dinanas nila. Para sa kanila, wala nang hihigit pa sa buhay na nakay Cristo. Kamangha-manghang malaman na ang Espiritu Santo na gumabay sa kanila (TAL. 5) ang siya ring gumagabay sa atin ngayon upang matapat na paglingkuran ang Panginoon habang naghihintay sa Kanyang muling pagbabalik.