Madalas magtipon si Samuel Mills at ang apat niyang kaibigan para ipanalangin sa Dios na magsugo pa Siya ng mas marami pang tao na magpapalaganap sa Magandang Balita ng pagliligtas ni Jesus. Isang araw noong taong 1806, nang pauwi na sila galing sa isang pagtitipon para manalangin, naabutan sila ng bagyo at sumilong sa lugar na pinag-iimbakan ng mga dayami o haystack. Simula noon, tinawag na ang kanilang gawain na Haystack Prayer Meeting na kalauna’y naging gawaing pangmisyon sa buong mundo. May itinayo ring monumento para dito na makikita sa Williams College sa America bilang pagpapaalala sa atin kung ano ang kayang gawin ng Panginoon sa pamamagitan ng panalangin.
Nagagalak ang Panginoon sa tuwing nagsasama-sama ang Kanyang mga anak upang manalangin na parang isang pamilya, nakakaisa sa layunin at nagtutulungan sa pasanin.
Kinilala rin ni Apostol Pablo ang malaking naitulong ng panalangin ng iba para sa kanya noong siya’y dumaranas ng paghihirap. Sinabi ni Pablo, “Iniligtas Niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy Niya kaming ililigtas. At umaasa kami na patuloy Niyang gagawin ito sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa ganoon, marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang tatanggapin namin mula sa Kanya bilang sagot sa mga panalangin ng marami” (2 CORINTO 1: 10-11).
Sama-sama tayong manalangin upang mapapurihan din natin ang Dios dahil sa Kanyang kabutihan. Hinihintay Niya tayong lumapit sa Kanya upang sa pamamagitan nati’y magawa Niya ang Kanyang napakagandang layunin.