“Ano ang gusto mong maging paglaki mo?” Ito ang laging itinatanong sa atin noong mga bata pa tayo o kahit noong mas tumanda na tayo. Nais iparating ng tanong na ito kung ano ang ambisyon natin sa buhay. Iba-iba ang naging sagot ko rito habang ako’y lumalaki; maging cowboy, truck driver at sundalo. At noong papasok na ako sa kolehiyo, gusto ko namang maging doktor. Wala naman akong matandaan kung may nagsabi ba sa akin o naging ambisyon ko mismo na hangarin ang magkaroon ng tahimik na buhay.

Ang pagkakaroon ng tahimik na buhay ang hangarin ni Apostol Pablo para sa mga taga Tesalonica. Hinikayat sila ni Pablo na pag-ibayuhin ang kanilang pag-ibig sa isa’t-isa at sikapin na mamuhay nang tahimik at pakialaman lamang ang sariling gawain (1 TESALONICA 4:10-11). Ipinayo niya na magtrabaho ang bawat isa para sa kanilang ikabubuhay at nang hindi sila umasa sa iba at upang igalang sila ng mga hindi mananampalataya (TAL. 11-12).

Hindi naman natin dapat pigilan ang ating mga anak o ang mga bata na abutin ang kanilang mga ambisyon ngunit maaari natin silang payuhan na kung ano man ang nais nilang marating sa buhay, gawin nila ito nang hindi nagiging pabigat sa iba.

Sa gabay ng Salita ng Dios, maaari tayong mamuhay nang tahimik at mapayapa habang inaabot ang ating mga pinapangarap.