Ayon kay Carl Sandburg na isang manunulat ng mga tula, ang dating presidente ng America na si Abraham Lincoln ay nagpakita ng pagiging matigas tulad ng bakal at ng pagiging malumanay o mahinahon naman na tulad ng tela. Isinulat ni Carl na bihira lamang ang mga ganoong klase ng tao na tulad ni Lincoln. Nagawa niyang maging balanse ang pamamalakad sa kanyang bansa, malambot ang kanyang puso sa mga tao kaya naging matigas naman siya sa paglaban para sa kanilang kalayaan.
Gayon pa man, isa lang talaga sa kasaysayan ang nagpakita ng perpektong balanse. Siya ang ating Panginoong Jesus. Nagpakita Siya ng lakas o katatagan, kahinahunan at pagkakaroon ng malambot na puso o kahabagan. Sa Juan 8, ipinakita ni Jesus ang Kanyang lakas o katatagan nang harapin Niya ang mga pinuno ng Judio na nagnanais na parusahan ang isang babaeng makasalanan.
Ipinakita Niya ang bakal ng katarungan nang Kanyang sabihin, “Kung sino sa inyo ang walang kasalanan ay maunang bumato sa kanya” (TAL. 7). Ipinakita naman ni Jesus sa pagkakataong iyon ang Kanyang pagkahabag nang sabihin Niya sa babae, “Hindi rin kita hahatulan. Maari ka nang umalis, pero huwag ka na muling magkasala” (TAL. 11).
Nawa’y tularan natin si Jesus sa pakikitungo natin sa mga tao. Maaari tayong maging malakas para sa paglaban sa mga karapatan ng mga taong nahihirapan bilang pagpapakita naman ng ating kahabagan sa kanila. Humingi tayo ng tulong sa Dios upang kumilos Siya sa pamamagitan natin.