Sa pelikulang Babette’s Feast, kinupkop si Babette sa loob ng labing apat na taon ng magkapatid na Martine at Philippa. Pinagsilbihan sila ni Babette bilang kasambahay ngunit hindi siya tumanggap ng anumang bayad mula sa kanila. Nang manalo si Babette ng malaking pera, nagpasya siyang maghanda ng masasarap na pagkain para sa magkapatid at nag-imbita rin siya ng labindalawa nilang kaibigan para saluhan sila.
Naging pagkakataon iyon para sa kanyang mga bisita na sandaling makapagpahinga. Habang kumakaing magkakasama, ang iba’y nagkapatawaran at nanumbalik ang pagtitinginan sa isa’t isa. Inalala rin nila ang kanilang natutunan noong bata pa sila, ang mahalin ang bawat isa. Nang matapos na ang kainan, sinabi ni Babette sa magkapatid na inubos niya ang lahat ng kanyang pera para sa marangyang kainang iyon. Ibinigay niya lahat para sa gabing iyon at hindi inisip na maaari niyang gamitin ang pera para makabalik sa dati niyang buhay na isang chef sa Paris. Ginawa niya iyon para habang kumakain ang kanyang mga kaibigan ay buksan ang kanilang mga puso.
Dumating si Jesus sa mundo bilang estranghero at tagapaglingkod. Isinakripisyo Niya ang Kanyang buhay ng sa gayon ay mailigtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan. Sa aklat naman ni Apostol Juan, pinaalalahanan niya ang Kanyang mga tagapakinig na nang nagugutom ang kanilang ninuno ay binigyan sila ng Dios ng karne at tinapay (EXODUS 16).
Nakasapat sa kanila ito ngunit ipinangako ni Jesus na kung sino man ang tumanggap sa Kanya bilang tinapay ng buhay ay mabubuhay magpakailanman (JUAN 6:48,51). Ang mga sakripisyo ng Panginoon ay sapat na sa nauuhaw nating kaluluwa.