Napangiti ako sa isang patalastas ng medyas na nagsasabi ng ganito: “Ang medyas na ito ang pinakakumportableng medyas sa kasaysayan ng mga paa.” Sa pagpapatuloy ng patalastas ay sinabi ang magandang balita na sa bawat isang pares ng medyas na mabebenta ay magbibigay naman ang kumpanya ng isa ring pares ng medyas sa mga nangangailangan. Ang medyas kasi ang kadalasan na hinihingi ng mga walang tirahan.
Napangiti rin siguro si Jesus at lubos na nagalak nang pagalingin Niya ang paa ng isang lalaki na hindi makalakad sa loob ng 38 taon (JUAN 5: 2-8). Pero gaano naman kaya ang inis na makikita sa mukha ng mga pinuno ng mga Judio na hindi natuwa sa pagpapakita ng malasakit ni Jesus sa lalaki? Hindi sila sang-ayon sa ginawang pagpapagaling ni Jesus sa lalaki dahil Araw ng Pamamahinga noon. Inaku-sahan nila na lumabag sa batas si Jesus at ang lalaki dahil wala dapat gawin sa Araw ng Pamamahinga (TAL. 9-10, 16-17).
Ang pagsunod sa batas ang mas binigyan nila ng pansin samantalang kahabagan naman ang pinairal ni Jesus.
Hindi naman agad nakilala ng lalaki kung sino ang nagbigay sa kanya ng bagong mga paa. Kalaunan ay nalaman niya na si Jesus ang nagpagaling sa kanya (TAL. 13-15). Siya si Jesus na hinayaang mapako ang Kanyang mga paa sa krus upang iligtas ang bawat isa sa atin. Ito ang pinakamagandang balita sa kasaysayan ng mga tao na nangangailngan ng kagalingan.