Sa pelikulang The Greatest Showman, tampok ang isang awitin na pinamagatang, This is Me. Ang pelikulang ito ay tungkol kay P.T. Barnum at sa kanyang mga kasama sa circus. Inawit ang kantang ito ng mga tauhan sa pelikula na nakaranas ng mga panlalait at pang-aapi ng mga tao dahil sa kanilang panlabas na anyo. Sinasabi sa kanta na parang mga bala ng baril at kutsilyo na nag-iiwan ng sugat o pilat ang mga masasakit na salita.

Makikita sa pagsikat ng kantang ito kung gaano karami ang mga taong may iniindang sugat sa kanilang damdamin dulot ng masasakit na salitang narinig nila.

Naunawaan ni Santiago ang kapahamakan na maaaring idulot ng masakit na pananalita nang sabihin niya na ang dila ay walang tigil sa kasamaan at puno ng lasong nakamamatay (SANTIAGO 3:8). Ayon kay Santiago, nararapat na malaman ng mga sumasampalataya kay Jesus ang malaking epekto ng mga salitang binibitawan nila. Pinaalalahanan niya pa sila na bilang mga nilikha ayon sa wangis ng Dios, hindi dapat magmula sa parehong bibig ang pagpupuri sa Dios at pagsumpa (TAL. 9-10).

Ang awiting This is Me ay magsisilbi ring hamon sa atin para labanan ang mga masasakit na salita ng iba sa pamamagitan ng pagpapaalala na ang bawat isa sa atin ay kahanga-hanga tulad ng sinasabi ng Biblia. Ayon sa Salita ng Dios, natatangi ang bawat isa hindi dahil sa ating pisikal na anyo o sa kung ano man ang mayroon tayo, kundi dahil kamangha-mangha ang pagkakalikha sa atin ng Dios. Siya ang nagdisenyo sa bawat isa sa atin (SALMO 139:14).