Naging napakahalaga para kay Colin nang hawakan siya sa balikat ng kaibigan niya. Labis ang pag-aalala ni Colin noon habang naghahanda ang kanilang grupo sa pagkakawang-gawa sa isang lugar kung saan galit ang mga tao sa mga sumasampalataya kay Jesus. Ikinuwento ni Colin ang kanyang mga alalahanin sa kaibigan niya at hinawakan siya nito sa balikat habang pinapalakas ang kanyang loob. Ngayon ay inaalala ni Colin ang paghawak na iyon ng kanyang kaibigan na naging malaki ang epekto sa kanya. Ito ang nagpaalala kay Colin sa katotohanan na kasama niya ang Panginoon.
Katulad ni Colin, nakaranas din si Apostol Juan ng matinding pag-aalala nang ipatapon siya sa Patmos dahil sa kanyang pangangaral ng salita ng Dios. Noong araw ng Panginoon, narinig ni Juan ang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta mula sa kanyang likuran (PAHAYAG 1:10).
Pagkatapos noon, nasilayan ni Juan si Jesus at napahandusay siya na parang patay sa paanan ni Jesus. Sa nakakatakot na pagkakataong iyon para kay Juan, ipinatong agad ni Jesus ang Kanyang kanang kamay kay Juan at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang katapusan” (TAL. 17).
Minsan, inaalis tayo ng Dios sa komportableng sitwasyon upang maipakita Niya sa atin ang mga bagay na makakatulong sa pagtatag ng ating pananampalataya. Kasama natin Siya sa bawat pagharap natin sa mga bagong hamon ng buhay. Hindi Niya tayo iiwan sa lahat ng mga pagsubok. Hawak Niya ang ating buhay at hindi Niya tayo kailanman bibitawan.