Binigyan ako ng aking kaibigan ng halaman na inalagaan niya ng mahigit na apatnapung taon. Ang halaman na ito na kasing-tangkad ko ay nagbubunga ng malalaking dahon mula sa tatlong magkakahiwalay na tangkay. Paglipas ng ilang araw, bumaliko ang mga tangkay dahil sa bigat ng mga dahon. Naglagay ako ng mga pangsuporta upang maituwid ang mga tangkay.
Mga ilang araw matapos kong matanggap ang halaman, nakakita naman ako ng katulad nito sa isang tindahan. Mayroon din itong tatlong magkakahiwalay na tangkay pero pinagbuhol-buhol ang mga ito at pinag-isa upang mas tumibay. Hindi na nito kailangan ng anumang pangsuporta.
Tulad ng mga tangkay ng aking halaman na bumaliko, hindi rin magiging matibay ang samahan ng dalawang tao na magkasama nga sa loob ng maraming taon pero hindi naman nagkakaisa o nagtutulungan. Pero ang samahan naman na may pagkakaisa tulad ng pinagbuhul-buhol na tangkay ay may mas matibay at matatag na samahan sa tulong ng Dios. Ang pagsasamang ito ay tulad ng isang lubid na may tatlong pilipit na hibla na mahirap malagot (MANGANGARAL 4:12).
Tulad ng mga halaman, ang pagsasama ng mag-asawa o magkaibigan ay nangangailangan ng mabuting pangangalaga. Ang Dios ang mangangalaga sa bawat pagsasama sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya ng pag-ibig at kagandahangloob. Iyon ang higit na kailangan upang maging masaya ang pagsasama at laging nagkakaisa. Ang Dios ang nararapat na maging sentro ng anumang relasyon.