Halos apat na dekada na ang nakakaraan nang pinagsikapan ng isang lalake sa India na buhayin ang isang lupain na noon ay tuyo na at walang buhay. Nagsimula siyang magtanim ng paisa–isang halaman at puno rito. Ngayon ay punung-puno na ng mga halaman at puno ang dating walang buhay at tuyong lupain. Naging napakagandang tanawin nito. Namangha siya sa kung paanong ang binhing inihasik ay tumutubo at lumalago kahit hindi niya alam kung paano.
Ang Dios ang siyang nagpapatakbo ng lahat ng Kanyang mga nilikha at hindi ito nakasalalay sa atin. Sinabi ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid...ang mga binhing inihasik niya ay tumutubo at lumalago kahit na hindi niya alam kung paano” (MARCOS 4:26-27).
Ang Dios ang nagbigay ng buhay at kagalingan sa mundo bilang handog sa ating lahat at wala tayong kontrol dito. Gawin lang natin ang ipinapagawa Niya sa atin tulad ng pangangaral ng Salita ng Dios at Siya na ang bahalang magpabago sa puso ng mga taong nakarinig nito. Nalalaman natin na nakasalalay ang lahat sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Dios.
Minsan, iniisip natin na kailangan nating baguhin ang puso ng isang tao o kailangang may makitang resulta ang mga ginagawa natin para sa Dios. Pero hindi natin ito dapat alalahanin. Ang Dios ang siyang kikilos para tumubo ang mga binhing inihasik natin sa pamamagitan ng Kanyang kagandahang-loob.