Aktibo ang labing walong taong gulang na si Emma sa paglalagay ng mga bagay tungkol kay Jesus sa kanyang social media account kahit na minsan ay maraming tao ang pumupuna sa kanyang ginagawa. Pinupuna siya ng iba dahil sa kanyang pisikal na anyo at ang iba nama’y nagsasabing hindi siya matalino dahil sa kanyang labis na dedikasyon sa Panginoon. Pero kahit na masakit ang kanyang mga nababasa at naririnig, patuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa.
Gayon pa man, may mga pagkakataon pa rin na naaapektuhan siya sa mga panlalait ng iba at pinaniniwalaan ang mga ito. Kapag nakakaramdam siya ng panghihina ng loob dahil sa panghahamak sa kanya, ipinapanalangin niya ang mga taong gumagawa nito sa kanya at nagbubulay siya ng salita ng Dios. Sa tulong ng Banal na Espiritu, muling lumalakas ang kanyang loob.
Tulad ni Emma, hinarap rin ni Gideon ang kanyang napakalupit na mga kaaway–ang mga Midianita (HUKOM 6: 1-10) Kahit na tinawag siya ng Dios na magiting na sundalo, hindi pa rin maiwasan ni Gideon na pagdudahan ang sarili at isipin ang kanyang mga kahinaan (TAL. 11-15). Ilang beses ding pinagdudahan ni Gideon na tutulungan sila ng Dios pero dumating ang pagkakataon na mas pinairal niya ang kanyang pananampalataya sa Dios.
Kapag nagtitiwala tayo sa Panginoon, paniniwalaan natin na ang sinasabi Niya tungkol sa atin ay totoo. Kahit marami ang humahamak sa atin, laging nariyan ang Panginoon upang lumaban para sa atin. Makakalakad tayo na parang magiting na sundalo na ginagabayan ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob.