Maraming nagtatanong sa akin kung ano ang mga plano ko sa darating na limang taon. Paano ako magpaplano ng pang limang taon kung hindi ko pa ito nararanasan? Para bang dadaan ako sa daang hindi ko pa dinadaanan.
Nang maging student minister ako noong mga 1960s, pakiramdam ko'y hindi ako karapat-dapat para doon. Madalas, tila nangangapa ako sa dilim tulad ng isang bulag at nagtatanong sa Dios kung ano ang nais Niya na gawin ko. Nasagot ang tanong ko nang minsang may estudyanteng nakiusap sa akin na manguna sa kanilang Bible Study.
Ang Dios ay hindi nakatayo at nagtuturo lamang ng daan. Siya mismo ang aakay o gagabay sa atin. Sasamahan Niya tayo sa ating paglakad sa daanang hindi pa natin nadadaanan.
Hindi magiging madali ang ating tatahakin, may mga baku-bako tayong madaraanan. Kailangan lamang na lagi tayong lumakad na kasama ang Dios. Ipinangako Niya na liliwanagan Niya ang dinaraanan nating madilim at hindi Niya tayo pababayaan (ISAIAS 42:16). Kasama natin Siya saan man tayo magpunta.
Sinabi ni Apostol Pablo na makakagawa ang Dios ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin (EFESO 3:20). Maaari tayong magplano pero higit na maganda ang plano ng Dios para sa atin dahil alam Niya ang lahat. Magtiwala tayo sa nais ng Dios para sa atin.