Sa librong These Are the Generations, inilarawan ni Mr. Bae ang katapatan ng Dios at ang kapangyarihan ng Magandang Balita ni Jesus na nananaig sa kadiliman. Ang lolo, mga magulang at ang sariling pamilya ni Mr. Bae ay pinagmalupitan dahil sa kanilang pagpapahayag ng pagsampalataya kay Jesus. Pero kahit nakulong si Mr. Bae patuloy silang nagpapahayag ng Salita ng Dios sa kanilang kapwa. Napatunayan ni Mr. Bae ang pangako ng Dios sa Juan 1:5 “Ang ilaw na ito’y nagliliwanag sa kadiliman, at hindi ito nadaig ng kadiliman.”
Bago hulihin at ipako sa krus si Jesus, sinabi Niya sa Kanyang mga alagad na makakaranas sila ng mga paghihirap. Uusigin sila ng mga hindi kumikilala sa Dios Ama o kay Jesus (JUAN 16:3). Sa kabila nito, pinalakas ni Jesus ang kanilang loob.
Sinabi Niya sa mga alagad na daranas sila ng paghihirap sa mundo pero dapat silang magpakatatag dahil nagtagumpay na Siya laban sa kapangyarihan ng mundo (TAL. 33).
Maaaring hindi pa natin nararanasan ang kalupitang dinanas ni Mr. Bae at ng kanyang pamilya pero asahan natin na maaaring makaranas rin tayo ng paghihirap. Kapag dumating na ang panahong iyon, hindi tayo dapat panghinaan ng loob dahil nariyan ang Banal na Espiritu upang tulungan tayo. Siya ang isinugo ni Jesus upang gumabay sa atin at magbigay sa atin ng kapanatagan (TAL. 7). Kasama natin ang Dios na siyang magbibigay sa atin ng katatagan sa panahon ng mga pagsubok.