Minsan, bumisita ako sa London Tate Modern Gallery. Habang nagmamasid, naagaw ang atensyon ko ng isang obrang nilikha ni Cildo Meireles na taga-Brazil. Isa itong tore nang pinagpatong patong na mga radyo. Nakabukas ang lahat ng radyo pero nakatutok sa iba’t ibang istasyon. Kaya naman, magulong tunog ang iyong maririnig doon. Pinangalanan ni Cildo ang kanyang obra na Babel.

Sakto ang pangalan ng obrang iyon. Sa kuwento kasi ng tore ng Babel sa Lumang Tipan ng Biblia, ninais ng Dios na gawing iba’t iba ang wika ng mga tao roon para pigilan sila sa masama nilang balak (GENESIS 11:1-9). Dahil sa pangyayaring iyon, hindi na sila magkaintindihan. Kaya naman, naghiwahiwalay sila at nagpasimula ng iba’t ibang mga tribo nang ayon sa kanilang wika (TAL. 10-26). Iyon ang naging simula ng hindi pagkakaintindihan ng mga tao.

Mababasa naman natin sa Bagong Tipan na nakapagsalita ng iba’t ibang wika ang mga tagasunod ni Jesus. Binigyan sila noon ng Banal na Espiritu ng kakayahan na makapagsalita sa iba’t ibang wika. Kaya naman, nagawa nilang purihin ang Dios sa mga wikang ginagamit ng iba’t ibang taong bumisita noon sa Jerusalem (GAWA 2:1-12). Ang kamanghamanghang pangyayaring iyon ay kabaliktaran sa nangyari sa Babel dahil narinig nila ang iisang mensahe sa mga wikang naiintindihan nila.

Mula sa magkakaibang lahi, kultura at wika, bubuo ang Dios ng bagong sangkatuhan sa pamamagitan ni Jesus (PAHAYAG 7:9). Habang nandoon ako sa Gallery, naisip ko kung paano kaya kung iisang awit lang na tungkol sa kamangha-manghang biyaya ng Dios ang maririnig sa mga radyong iyon.