Sa bansang Etiopia, isang labindalawang taong gulang na bata ang dinukot ng pitong di-kilalang kalalakihan. Isang linggo ang lumipas bago siya matagpuan ng mga pulis sa isang kagubatan. Nakita nila ang bata na napapalibutan ng tatlong leon. Ayon kay Sarhento Wondimu, maaaring nang marinig ng mga leon ang iyak ng bata habang siya’y sinasaktan, tumakbo ang mga ito papunta sa kinaroroonan ng bata. Naitaboy naman ng mga leon ang mga kalalakihan at binantayan ang bata hanggang sa matagpuan ito ng mga pulis.
Nakakaranas din tayo ng mga pangyayaring hindi maganda sa ating buhay tulad ng nangyari sa bata. At sa mga pagkakataong iyon, nakakaramdam tayo ng matinding takot at kawalan ng pag-asa.
Nakaramdam din naman ng pagkatakot ang mga Judio noon. Nanghina sila sa takot nang lusubin sila ng mababangis na hukbo ng kanilang kaaway. Gayon pa man, ang Dios ang naging kalakasan nila. Sinabi ni Propeta Zefanias, “Kasama ninyo ang Panginoon, ang Hari ng Israel, kaya wala nang kasawiang dapat pang katakutan (3:15). Kahit sa mga panahong napapahamak tayo dahil sa sarili nating kagagawan, inililigtas pa rin tayo ng Dios. “Sapagkat kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Katulad Siya ng isang makapangyarihang sundalo na magliligtas sa inyo” (TAL. 17).
Malagay man tayo sa anumang panganib, kasama natin si Jesus – ang Leon na mula sa lahi ni Juda (PAHAYAG 5:5). Lagi nating kasama ang Dios. Kaya, huwag nating iisipin na nagiisa tayo. Tinitiyak sa atin ng Dios na hindi Niya tayo iiwan sa mga panahong nakakaramdam tayo ng matinding takot.