Umiiyak na tumawag sa akin ang kaibigan ko nang malaman niya na mayroon siyang sakit na kanser. Lubos siyang nag-alala kung ano na ang mangyayari sa kanyang asawa at maliliit pang mga anak. Idinalangin namin siya ng iba pa naming mga kaibigan. Natuwa kami nang palakasin ng doktor ang kanyang loob. Sinabi nito sa kanya na huwag siyang mawalan ng pag-asa at nangako ito na gagawin nila ang lahat para gumaling ang kaibigan ko. Kahit na naging mahirap para sa kanya ang gamutan, hindi siya sumuko at patuloy siyang nagtiwala sa Panginoon.
Ipinaalala sa akin ng matibay na pananampalataya ng kaibigan ko ang kuwento ng isang babae sa Aklat ng Lucas. Labindalawang taon niyang tiniis ang labis na hirap at kalungkutan dahil sa kanyang sakit.
Ngunit isang araw, hindi niya pinalampas ang pagkakataon na lapitan si Jesus. Hinawakan niya ang laylayan ng damit ni Jesus at umasang gagaling siya. Agad naman siyang gumaling dahil nagtiwala siya na kaya siyang pagalingin ni Jesus (TAL. 43-44)
Maaari din tayong makaranas ng mga pagsubok o malulubhang sakit na para bang wala nang katapusan. May mga pagkakataon din na parang hindi na natin ito makayanan. Maaaring hindi tayo agad makakaranas ng kagalingan kahit na nagtitiwala tayo kay Jesus. Gayon pa man, inaanyayahan pa rin Niya tayo na patuloy na lumapit sa Kanya at huwag mawawalan ng pag-asa. Magtiwala tayo na makapangyarihan Siya at lagi natin Siyang malalapitan.