“Walang kamatayan ang panalangin.” Ito ang agaw-pansin na mga salita ng manunulat na si E.M. Bounds. Dagdag pa niya, “Magsara man ang bibig ng nagsabi nito, tumigil man sa pagtibok ang pusong pinanggalingan nito, mananatili pa ring buhay ang panalangin sa harap ng Dios. Lumipas man ang ilang buhay, henerasyon o ang mundo, nananatili pa rin ang panalangin.”
Naitanong mo na ba minsan lalo na sa mga panahon ng paghihirap at pagsubok, kung nakakarating kaya sa Dios ang mga panalangin mo? Ipinapaalala sa atin ng mga sinabi ni Bounds na mahalaga sa Dios ang ating mga panalangin. Mababasa rin ito sa Pahayag 8:1-5. Ang lugar ay sa langit (TAL. 1), sa harap ng trono ng Dios.
Ang mga anghel ay nakaharap sa trono (T.2) at isang anghel ang nag-alay sa kanya ng insenso kasama ang mga panalangin ng mga pinabanal (T.3). Isang napakagandang paalaala na pumapailanlang sa harap ng Dios ang usok ng insenso kasama ang panalangin ng mga pinabanal (T. 4).
Ipinaparating ng mga talatang ito na tunay na umaabot sa Dios ang mga panalangin ng mga sumasampalataya sa Kanya. Sa mga pagkakataon na pakiramdam mo’y hindi nakakarating sa Dios ang mga panalangin mo, alalahanin mong mahalaga para sa Kanya ang bawat panalangin.