Noong 2015, ibinigay ng isang babae sa junk shop ang computer ng namatay niyang asawa na gawa pa noong 1976. Pero hindi nakadepende ang halaga nito sa kung anong taon iyon ginawa, kundi sa kung sino ang gumawa ng computer. Napag-alaman na isa pala ito sa mga unang ginawa ng may-ari ng kompanyang Apple na si Steve Jobs kaya nagkahalaga ito ng kalahating milyong dolyar. Nagpapakita na ang halaga ng isang bagay ay nakadepende sa kung sino ang gumawa nito.
Dahil mahal tayo ng Dios, alam nating mahalaga tayo sa Kanya (GENESIS 1:27). Nakasulat sa Salmo 136 ang mga ginawa ng Dios para sa bayang Israel: kung paano sila pinalaya mula sa Egipto (T. 11-12), inalagaan sila sa ilang (TAL. 16), at binigyan sila ng bagong tahanan sa Canaan (TAL. 21-22).
Sa tuwing mababanggit ang mahahalagang pangyayari sa Israel, lagi nitong karugtong ang mga salitang, “Ang pag-ibig Niya’y walang hanggan.” Nagpapaalala ito sa mga Israelita na hindi aksidente ang mga naranasan nila kundi plano ito ng Dios bilang pagpapakita ng Kanyang pagmamahal sa kanila na mga nilikha Niya.
Madalas, nababalewala ko ang mga ginagawa ng Dios sa araw-araw at nakakalimutan kong ang Dios na lumikha at nagmamahal sa akin ang pinanggagalingan ng mga mabubuting bagay (SANTIAGO 1:17). Nawa’y makita ng bawat isa sa atin ang pag-ibig ng Dios sa mga pagpapalang ibinibigay Niya sa atin.