Naging masaya ang karanasan ng mag-asawang Nate at Sherilyn sa isang kainan na omakase sa New York. Ang omakase ay salitang Hapon na ang ibig sabihin ay “Ikaw na ang bahala.” Sa kainang iyon, hinahayaan ng mga customer na ang tagapagluto ang bahalang pumili ng kakainin nila. Kahit ngayon pa lang masusubukan ng mag-asawa ang pagkaing inihanda para sa kanila ng tagapagluto, nagustuhan nila ito.

Ganito rin nawa ang maging paguugali natin kapag tayo’y nananalangin, na hinahayaan natin ang Dios ang bahala sa mga idinadalangin natin sa Kanya. Nagpaturo naman noon ang mga alagad ni Jesus kung paano manalangin nang mapansin nila na laging nagpupunta si Jesus sa ilang para manalangin (LUCAS 5:16).

Tinuruan sila ni Jesus na kapag sila’y mananalangin, humingi sila ng pangangailangan nila sa bawat araw, humingi ng tawad sa Dios at hilingin din na huwag silang hayaang mahulog sa tukso. Ipinapakita rin sa panalanging itinuro ni Jesus na dapat silang magpasakop sa kalooban ng Dios, “Masunod ang kalooban N’yo dito sa lupa katulad ng sa langit” (MATEO 6:10).

Nais ng Dios na ibigay sa atin ang ating mga pangangailangan kaya maaari nating sabihin sa Kanya ang laman ng ating puso. Pero dahil limitado lang ang alam natin, kailangan nating lumapit sa Kanya nang may buong pagpapakumbaba at handang magpasakop sa Kanyang kalooban. Dahil alam ng Dios kung ano ang pinakamabuti para sa atin, ipaubaya natin sa Kanya ang kasagutan sa ating mga panalangin.