Noong nasa high shool ako, mayroon akong kaibigan na para bang paminsan-minsan ko lang na kaibigan. Palagi naman kaming magkasama sa simbahan at sa ibang lugar. Pero pagdating sa loob ng eskuwelahan, parang hindi na niya ako kakilala at binabati niya lang ako kapag wala siyang kasama. Dahil doon, hindi ko na siya masyadong hinahanap kapag nasa eskuwelahan kami.
Marahil, marami sa atin ang nakaranas na ng kalungkutan dahil sa ganitong kababaw na pagkakaibigan. Gayon pa man, mayroon din namang pagkakaibigan na walang pinipiling lugar. Ito ang pagkakaibigang nabubuo natin sa mga taong pinipiling samahan tayo saan mang yugto ng ating buhay.
Ganito ang pagkakaibigang mayroon sina David at Jonatan. Matalik silang magkaibigan at mahal na mahal ni Jonatan si David tulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili (1 SAMUEL 18:1-3). Kahit siya dapat ang tagapagmana ng trono kapag namatay ang tatay niyang si Saul, naging matapat pa rin siya sa piniling hari ng Dios na si David. Tinulungan niya pang makaligtas si David sa planong pagpatay sa kanya ni Saul (19:1-6; 20:1-42).
Sa kabila ng mga nangyari, nanatili ang pagkakaibigan nina David at Jonatan na nagpapatunay sa sinasabi ng Kawikaan 17:17, “Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon.” Sa ganitong pagkakaibigan ay lalo nating naiintidihan ang pagmamahal ng Dios.