Bumubuo ng pabilog na hanay ang mga African gazelle na uri ng usa kapag nagpapahinga sila sa kapatagan. Nakaharap palabas ang bawat isa at nakaposisyon sa iba’t ibang direksyon para madaling bantayan ang buong paligid at mabigyang babala ang iba kung may paparating na panganib.
Sa halip na sarili lang nila ang bantayan nila, inaalala din nila ang buong grupo. Ganito din ang nais ng Dios sa mga tagasunod ni Jesus. Nakasulat sa Biblia na, “Sikapin nating mahikayat ang isa’t isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan. Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian ng ilan” (HEBREO 10:24-25).
Ayon sa aklat ng Hebreo, hindi dapat nag-iisa ang mga nagtitiwala kay Jesus. Mas malakas tayo kapag magkakasama dahil napapalakas natin ang loob ng isa’t isa sa pamamagitan ng lakas na nanggagaling sa Dios (2 CORINTO 1:4). Natutulungan din natin ang iba na maging handa at maingat laban kay Satanas na “umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa” (1 PEDRO 5:8).
Hindi lamang para makaiwas sa panganib ang dahilan kaya natin inaalagaan ang isa’t isa, kundi ginagawa natin ito upang tularan si Jesus na buong pagmamahal na pinaglingkuran ang iba. At habang patuloy tayong lumalapit sa Dios, tutulungan din Niya tayong palakasin ang loob ng iba.