Sa pelikulang Forrest Gump na ipinalabas noong 1994, naging sikat si Forrest dahil sa kanyang pagtakbo. Nagsimula siya sa kagustuhang makaabot lang sa dulo ng kalsada pero umabot ang pagtakbo niya ng tatlong taon, dalawang buwan, labing apat na araw at labing anim na oras. Naikot na niya ang bawat kalsada sa Amerika hanggang sa tumigil na siya dahil nawalan na lang siya ng gana. Sinabi ni Forrest, “Basta gusto ko lang tumakbo noong araw na iyon, wala namang ibang espesyal na dahilan.”
Wala talagang matibay na dahilan si Forrest sa kanyang pagtakbo. Pero bilang mga tagasunod ni Jesus, para tayong mananakbo na kailangang pagbutihin ang pagtakbo upang makamit ang gantimpala. Iyon ang nais ni Pablo na gawin ng mga taga Corinto (1 CORINTO 9:24).
Tulad ng isang disiplinadong atleta na kailangang iwasan ang mga bagay na hindi makakabuti sa kanyang pagtakbo, kailangan din nating mamuhay na iniiwasan ang pagiging makasarili para maabot ang iba. Kailangan nating iwasang gawin ang ilang mga bagay para maipahayag sa iba ang magandang balita tungkol sa pagliligtas ni Jesus mula sa kaparusahan sa kasalanan.
Kapag ang puso at isip natin ay nakatuon sa paghihikayat sa iba na sumama sa ating takbuhin, makukuha natin ang gantimpala, ang makasama ang Dios sa walang hanggan. Ang korona ng tagumpay na ibinibigay ng Dios ay mananatili kailanman at makukuha natin ito kung tumatakbo tayo para ipakilala Siya sa buong mundo.