Si Reepicheep ay isa sa mga nakakatuwang karakter sa pelikulang, The Chronicles of Narnia. Kahit na isa lang siyang maliit na daga, malakas ang loob niya at matapang na sumasali sa labanan. Ano ang sikreto niya? Ito ay ang pagnanais niya na makarating sa lugar ni Aslan at makita ang kanyang hari.
Mababasa naman natin sa Biblia ang kuwento ng bulag na si Bartimeus na taga Jerico. Minsan, habang siya’y nakaupo at namamalimos, narinig niya na paparating si Jesus. Sumigaw siya, “Jesus, Anak ni David! Maawa po Kayo sa akin!” (MARCOS 10:47). Pinagsabihan siya ng mga tao na tumahimik pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw.
Tumigil si Jesus (TAL. 49). Sa kabila ng napakaraming tao ang naroon, gusto Niya pa ring marinig si Bartimeus. Tinanong ni Jesus si Bartimeus, “Ano ang gusto mong gawin Ko sa iyo?” (TAL. 51).
Alam ni Jesus ang kailangan ni Bartimeus pero gusto Niyang marinig mismo kay Bartimeus kung ano talaga ang ninanais ng puso nito. Sagot niya, “Gusto ko pong makakita” (TAL. 51). Umuwing masaya si Bartimeus na nakikita na ang kagandahan ng paligid.
Hindi lahat ng ninanais natin ay nakakamit natin o kaya nama’y kailangan itong baguhin. Pero ang mahalaga sa kuwento ay alam ni Bartimeus ang ninanais niya at inilapit niya ito kay Jesus. Kung iisipin natin, dinadala tayo ng mga ninanais natin palapit kay Jesus.