Minsan isang gabi, bigla akong nagising. Wala pang tatlumpong minuto ang tulog ko noon at alam kong matagal pa bago ako makatulog ulit. Naisip ko kasi ang kaibigan ko na nasa ospital ang asawa. Nalaman nila na bumalik ang kanser ng kanyang asawa sa utak at kumalat pa ito sa kanyang gulugod. Nararamdaman ko ang bigat ng pasanin ng mga kaibigan ko pero gumaan ang pakiramdam ko pagkatapos ko silang ipanalangin.
Sa Mateo 11:28-30, nangako naman si Jesus ng kapahingahan para sa pagod nating kaluluwa. Ang kakaiba nga lang dito, matatagpuan natin ang kapahingahan kung tatanggapin natin ang pasaning ibinibigay Niya. Ipinaliwanag Niya ito sa talatang 30, “Madaling sundin ang Aking mga utos, at magaan ang Aking mga ipinapagawa.” Kung ibibigay natin kay Jesus ang mga pasanin natin at susundin ang Kanyang mga utos, mas magiging malapit tayo sa Kanya.
Sa ganitong paraan, hindi lamang Niya tayo makakahati sa pasanin, kundi maging sa Kanyang kapahingahan (2 CORINTO 1:5).
Mabigat ang pasanin ko para sa aking mga kaibigan pero nagpapasalamat ako sa Panginoon na maaari ko silang ipanalangin. Nakatulog naman ako ulit at paggising ko, nararamdaman ko pa rin ang pasaning iyon. Pero magaan na ito sa tulong na ibinibigay ni Jesus.