Isipin natin na kunwari ay may isang malawak na silid sa palasyo kung saan naroon ang trono ng dakilang hari. Nakaupo sa trono ang hari habang nakapaligid naman sa kanya ang kanyang mga alipin na ingat na ingat sa kanilang mga kilos. Sa harap ng hari ay may isang kahon na napakahalaga sa kanya. At ano ang nasa loob ng kahon? Mga ginto, alahas at mamahaling mga bato. Ito ang mga kayamanan ng hari at nagbibigay ng lubos na kasiyahan sa Kanya.
Sa wikang Hebreo, segulah ang tawag sa natatanging kayamanan. Sa Exodus 19:5, Deuteronomio 7:6 at Salmo 135:4, itinuturing na natatanging kayamanan o piniling mamamayan ng Dios ang mga Israelita. Pero makikita din sa mga sulat ni Apostol Pedro sa Bagong Tipan na hindi lamang ang mga Israelita ang itinuturing na natatanging kayaman ng Dios o pinili Niya.
Tumutukoy din ito sa mga taong "sakop at kinaawaan ng Dios” (1 PEDRO 2:10). Sila ang mga taong nagtitiwala kay Jesus, Judio man o hindi. Sinabi sa sulat ni Pedro, sila ang mga taong “pinili ng Dios” (TAL. 9).
Napakaganda ng katotohanang ito! Itinuturing kang isa sa mga kayamanan ng isang dakila at makapangyarihang Hari. Iniligtas ka Niya sa kasalanan at kamatayan at itinuring na Kanya. Sinasabi ng Hari, “Pag-aari at minamahal ko ito.”