Habang tinutulungan ng asawa kong si Alan ang anak namin na si Xavier para sa kanyang job interview, inabot niya rito ang mga thank-you card. Pagkatapos tanungin ng asawa ko si Xavier ng mga maaaring itanong sa kanya sa interview, ipinaalala ulit ni Alan na huwag niyang kalimutang ibigay ang thank-you card. Ngumiti si Xavier at sinabi, “Alam ko po na ang pagbibigay ng card na ito bilang taospusong pasasalamat ang makakatulong para maging bukod-tangi ako sa ibang mga aplikante.”
Nang tawagan si Xavier ng isang manager para sabihing tanggap siya sa trabaho, nagpasalamat ito kay Xavier sa sulat-kamay na thank you card na natanggap niya. Matagal na panahon bago siya nakatanggap ulit ng sulat-kamay na card.
Malaki ang nagagawa ng pagpapasalamat. Makikita natin ang buong pusong pagpapasalamat at pagsamba ng sumulat ng Salmo. Kahit na mayroong isandaan at limampung kapitulo ang aklat na ito, makikita sa dalawang talata ang taos-pusong pagpapasalamat, "Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan. Ikukuwento ko ang lahat ng Inyong ginawang kahanga-hanga. Magpapakasaya ako dahil sa inyo, Kataastaasang Dios. Aawit ako ng mga papuri para sa Inyo" (SALMO 9:1-2).
Kulang ang maikli nating panahon para pasalamatan ang Dios sa lahat ng ginawa Niya para sa atin. Pero, maaari natin itong simulan sa taos-pusong pasasalamat sa ating pananalangin. Maaari tayong mamuhay nang puno ng pasasalamat at pagsamba sa Dios dahil sa mga ginawa Niya at sa mga pangako Niya sa atin.